
Tea Calendar via http://www.lostateminor.com

Filipino ang wika ko ng/sa pakikipagkaibigan. Mula ngayong Oktubre, sisikapin ko na makapagsulat araw-araw, 350-750 salita. Isa itong pagtangkang pagdakip ng liwanag, ng ganda, ng tamis sa karaniwan, sa pang-araw-araw. Isang atensyon sa mga sandali ng rubdob – ligaya man o lumbay.
Napaupo niya ako gayung umaga. Puno ang aking iCalendar.
I-de-delete ko ba? Kunsabagay, pwede namang ma-download uli. Pero pwede rin na ang mga litrato at video na lang ang i-delete, kunsabagay nasa iCloud na.
May isang album si Paul McCartney na Memory Almost Full. Naalala ko rin ang pelikulang The Eternal Sunshine of the Spotless Mind ni Michel Gondry.
Nasalubong ko uli si Okakura sa The Elegance of the Hedgehog ni Muriel Barberry. Hindi ako pamilyar sa nobelang ito, kay Barberry, ngunit ipinahiram ng isang kaibigang guro sabay ang paggiit na magugustuhan ko. Tama nga siya: natuwa ako sa kwento (isang intelektwal ang bida, nagtatrabaho bilang isang concierge sa isang magarang apartment sa Paris), sa desinyo nito at daloy sa mga pahina (hal. Journal of the Movement #1, Profound Thought#1) sa lengguwahe at tono, higit sa lahat, sa mga kaisipan at damdaming napukaw nito sa akin. Tikman halimbawa itong sipi tungkol kay Okakura sa pahina 87:
Like Okakura, I know that tea is no minor beverage. When tea becomes ritual, it takes its place at the heart of our ability to see greatness in small things. Where is beauty to be found? In great things that, like everything else, are doomed to die, or in small things that aspire to nothing, yet know how to set a jewel of infinity in a single moment?
Ah, you made my day. Hindi ko ito na-post na status update sa Facebook, o na-Tweet. Nasa writing table sa kabilang kwarto ang laptop, sa espasyo ng pagtatrabaho. Itong Chair of Solitude, para sa pagpapahinga at pagnamnam ng isang tasa ng kape o tsaa.
Kaya naging katulad ako ng bida ni Barberry: napansin ko ang karaniwan – ang nariyan lagi sa araw-araw: ang mga libro sa sala. Narinig ko ang hagunos ng habagat sa labas. Ano pa ba ang maisusulat ko tungkol sa ulan?Matagal ko nang nasabi na hindi na ito romantiko; hindi na ang paghihiwalay o muling pagtatagpo ng bidang babae at lalaki sa pelikula ang aking nakikita kundi ang Tent City sa Compostela Valley sa Mindanao at mga dambuhalang bato sa isang malawak na lupain, animo’y isang ilog, matapos tangayin ng malaking baha ang isang buong barangay. Ang Bayani Challenge, ang Team La Salle sa Gawad Kalinga.
Pinaupo ako ni Okakura sa iBook, sa nobela ni Barberry, para muling makapagpasalamat — na nagagawa ko ang mga nakagawian ayon sa iskedyul, at nariyan pa rin ang mga karaniwang detalye sa aking buhay: walang baha, walang giyera na nagpahinto nito. At/ngunit paglabas, maaari akong masagasaan sa pagtawid. May isang kababayan na namatay matapos mahulugan ng buko habang nakasakay sa kalabaw.
Tumayo ako para magpakulo ng tubig. May isang pakete ng ginger tea sa itaas ng ref.
Kahit pa, hindi ako eksperto sa paghahanda ng tsaa. Lagi, isang pagta-tantya. Binabad ko ito sa mainit na tubig at hinintay ang tamang oras, ayon sa nakasulat sa pakete. Kailangang tama, para ma-enjoy ko. Sayang naman: ang oras (dapat nagbubukas na ako ng email, nagpi-Facebook, etc.), ang pera at lakas (wala na pala akong tubig; kailangang makadaan sa 7-11 mam’ya para sa bottled water).
Isa akong makina araw-araw. Mabilis ang pagkilos. Isang luxury ang pag-upo na hindi kaharap ang trabaho.
Kaya isang subversyon laban sa pagmamadali itong pag-inom ng tsaa sa Chair of Solitude. Hayaang makapagmuni-muni ako sa umaga para kamustahin ang sarili. Magkakilala pa ba kami? Ano ang ginawa sa akin ng syudad na ito?
Minsan, kung hindi man madalas, walang puwang sa workplace ang pagdamdam. Bawal ang balat-sibuyas, ang emo. Anti-efficiency ito, anti-productivity. Kahit nga ang pag-iisip, kumakawas pa rin sa pag-unawa ng iilan, na isa itong trabaho. ‘Teka muna, nag-iisip pa ako.’ ‘H’wag akong madaliin.’
Ano ba ang mga dinadamdam ko, halimbawa? May ganito akong damdamin tungkol sa mga giyera sa loob at labas ng bansa: ano ang nagagawa/ginagawa ng gobyerno para sa mga komunidad saan nangga(ga)ling itong mga sundalo na nagbubuwis ng kanilang buhay sa ngalan ng Bansa? Karamihan sa mga sundalo, sa Pilipinas man o sa America, galing sa mahihirap na lugar. Bakit halos walang nabago sa mga lugar na ito gayung daan-daan o libo-libo nang sundalo ang nangamatay, o nagpa(pa)kamatay?
Ah, malungkot itong aking naiisip. Saan ang beauty na sinasabi ni Okakura? Ang elegance na sinasabi ni Barberry? Ang hangad kong ‘grasya sa isang tasa ng tsaa?’
Ito mismong pag-iisip at pagdamdam. Itong lungkot – lumbay ng dila – (maaaring) isang pakikiisa (ko) sa sanlibutan. Hayaang mamukadkad ang sampaguita sa aking mga labi.
Candy Crush Saga ang aking binura. Hindi pa rin ako nakapag-ugrade sa iOS7.
Filed under: BLOG, FILIPINO, PANGGA GEN Tagged: Balay Sugidanun, Filipino, GENEVIEVE ASENJO, Grasya sa Isang Tasa ng Kape at Tsaa
