Quantcast
Channel: Balay Sugidanun » PANGGA GEN
Viewing all articles
Browse latest Browse all 66

Ang Galing ng mga Magagaling sa “Mga Ama, Mga Anak”

$
0
0

Opisyal na poster ng dula.

Opisyal na poster ng dula.


Pangga Gen /Grasya sa Isang Tasa ng Tsaa

Pangga Gen /Grasya sa Isang Tasa ng Tsaa

Pebrero 22, 2014/8:00 ng gabi/Tanghalang Aurelio Tolentino, Cultural Center of the Philippines (CCP): Salin ito ng three-act play na “Fathers and Sons”(1976) ni Nick Joaquin, National Artist for Literature, nina Virgilio Almario (aka Rio Alma) na isa ring National Artist for Literature, at Jose “Pete” Lacaba, isang kilalang screenwriter, editor, journalist at translator.

Hindi lahat ng salin ay matagumpay. Hindi lahat ng pagsasa-dula. Pero ito, walang duda, isang tagumpay. Magaling na materyal, magaling na salin. Magaling na dramaturgy ni Rody Vera, siya na isa ring kilala at hinahangaang mandudula.

Pasok ang isang magaling na direktor, si Joel Lamangan. Ganap na nabigyang buhay ang dula sa galing ng mga beteranong aktor na sina Robert Arevalo, Spanky Manikan, Nanding Josef, Celeste Legaspi, Jackie Lou Blanco, Madeleine Nicolas, Banaue Miclat, Peewee O’Hara, Cris Villonco, Marco Viana kasama ang Tanghalang Pilipino Actors Company.

Set design ng dula. Kuha via iPhone bago magsimula.

Set design ng dula. Kuha via iPhone bago magsimula.


Na-establish kaagad ang panahon at ang mood sa disenyo ng entablado ni Tuxqs Rutaquio at ilaw ni Monimo Duque. Na-maximize ang pisikal na espasyo. Sa minimal na tunog/musika ni TJ Ramos, napokus ang atensyon ng pandinig sa lakas ng boses ng mga aktor. Sa diyalogo. Sa Salita.

Sapat na ba ang pagsama-sama ng mga magagaling na ito para masabing matagumpay ang produksyon? Oo. Pinupunto ko rito na una sa lahat, ang manunulat: ang materyal, ang kwento – ang utak at puso nitong produksyon. Nabigyan ng karapat-dapat na hustisya at integridad ang akda ni Joaquin dahil sa pagsama-sama nitong magagaling.

Kwento ito ni Zacarias Monzon (si Robert Arevalo ang gumanap nang gabing iyon), ang 80 taong gulang na patriarch, dating “Carretela King” (Hari ng Karitela) noong 1930s, peace time (panahon ng mga Amerikano, bago ang paglusob ng mga Hapones). Inihaon niya ang sarili at pamilya mula sa hirap. Pinagmamalaki n’yang namatay ang kanyang ama na busog sa pagkain sa harap ng pinagawa niyang isang mahabang mesa saan araw-araw piyesta at naging bisita ang lahat ng importanteng tao sa lipunan, at nagagandahang babae (isa siyang certified playboy). Sa kasalukuyan ng kwento, nariyan si Bessie (Cris Villongco), ang kanyang bata at kahuli-hulihang kerida/lover na nag-aalaga sa kanya. Archetype ng puta na may ginintuang puso. Naiyak ako sa kanyang ‘moment’ o sariling kwento sa dulo ng dula. Dahil hindi siya caricature at stereotype na tauhan. Buhay ang kanyang karakter, totoo, kapani-paniwala – integral na bahagi ng/sa dula. Hindi lamang siya puta at kerida kundi ang EveryWoman na nagmamahal at minamahal.

Huli kong nakita si Cris Villongco bilang Maria Clara noong 2011 sa Noli Me Tangere ng Tanghalang Pilipino. Hindi ko siya kaagad nakilala rito. Marahil hindi lamang sa make-up kundi dahil hindi siya kumakanta rito. Natuwa ako sa kanyang pagiging versatile. Convincing ang kanyang pagganap sa karakter ni Bessie.

Panoorin ang dula, hanggang Marso 9 pa.

Kwento rin ito ni Marcelo (Nanding Josef), lehitimong anak na lalaki ni Zacarias, tinuturing na ‘gentleman.’ Ayaw niyang matulad sa ama ngunit sa isang pangyayari, naging katulad din siya ng kanyang ama sa kanyang anak na si Chitong (Marco Viana). Nakilala natin siya sa dula na nakasuot ng sutana; gustong maging pari. Siya rin ay katulad ng kanyang ama sa maraming bagay. Ngunit iba rin. Siya ang nagsabi ng ganitong linya, ang tesis ng dula:


"Character is not something we inherit. It is something we create. If we cannot blame fathers for what we are, neither should we blame ourselves for that new person. Oh, yes, there are fathers and grandfathers and who knows what ancestors crowding within us but all of them are just ghosts, impotent, powerless ghosts, unless we allow them to create us in their image."

Kaya kwento rin ito ni Chitong. Kwento rin ni Sofia (Celeste Legaspi), ang kanyang ina, at ni Nena (Madeleine Nicolas), ang kanyang tiya na naging matandang dalaga dahil walang lalaking nakahi(hi)git sa kanyang ama.

Hango ni Nick Joaquin ang dulang ito sa kanyang kwento na “Three Generations.” Naituro ko ito sa klase sa Humanities 1 (Literature). Gusto ng mga estudyante. Ngayong term sa school year, masaya ako na nakilala ng mga estudyante sina Nick Joaquin, Virgilio Almario, at Pete Lacaba sa dulang ito. May mga estudyante akong nakasama manood. Sila rin, nagustuhan ito.

Sana marami pang produksyon ang ating masasaksihan mula sa mga magagaling nating mga artista sa teatro na nagbibigay buhay sa mga obra maestra sa/ng ating panitikan.

Hindi lamang ang lalim sa kaalaman sa sikolohiya ng tao ang ma-e-engkwentro natin sa dulang ito. Nariyan din ang konteksto, ang partikular na yugto sa ating kasaysayan: ang panahon ng karitela na kalaunan, napalitan ng dyip at awto. Kaalinsabay dito, ang pagkabuwag ng yaman ni Don Zacarias. Matanda na siya, mahirap na – iniwan ng kanyang mga kaibigan at babae: nasaan ang kanyang redempsyon? Ang kanyang ligaya? Ano ang sinasabi ng dula? Nasa isang babae pa rin? Nasa kanyang paglampas sa pagiging ‘puta’ ni Bessie kaya dinala niya ito sa kanyang pamamahay at itinuring na asawa (kunsabagy, isa siyang hari), na siyang nagbigay kabuluhan (meaning at value) kay Bessie sa kanyang deklarasyon na hindi lamang nasa (desire) sa kanyang katawan ang namagitan sa kanila kundi ang Don ang una at tangi niyang maningibig? At ito ang nakita ni Chitong: ang tulong at silbi ng isang katulad ni Bessie para makaraos/mairaos ng kapwa (ang kanyang lolo) ang gabi, ang siyang ‘ilaw’ o puso para sa sarili niyang pakikipag-kapwa. Kaya ipagpapatuloy niya ang pagpa-pari. Noon pa, nakita na ito, at naintindihan, ng kanyang ina at tiya (maging ng kanyang lola, kaya ‘hinayaan’ ang ‘mga babae’ ng kanyang hari sa kanilang palasyo – pinagaan ang kanyang buhay sa kanilang ‘division of labor’).


Interesante ang siko-analisis na pagbasa sa paglikha ni Joaquin sa/ng kanyang mga tauhan, pagdisenyo ng naratibo, paggamit sa/ng wika. Ito ang masasabi ko sa ngayon: naniniwala si Joaquin sa teorya ng ebolusyon.

Makikita rin natin ito sa dulo ng dula, saan sa isang formalistikong anyo at pagbasa, ang bahagi saan sinusuma ng manunulat ang kanyang tesis; poetika at politika – visyon: namatay ang ama. Isa itong hindi maiwasan at maipagpalibang pangyayari. Sa ebolusyon ng buhay at panahon, ito ang nagmamarka ng bagong simula para sa kanyang mga naiwan. Sa pagkilala, pagtanggap, pagpapatawad, makikitil ang lubid na nagtatali sa atin sa nakaraan.

Kailangang maputol ang lubid, lalo na kung opresibo ito.

Nagsara ang dula, nagdilim ang entablado, matapos makapasok ang dalawang trabahador para magsira sa mahabang mesa ni Zacarias Monzon.

Bukas, ang anibersaryo ng EDSA People Power ’86. Patuloy nating sirain ang mahabang mesa sa ating lipunan saan Sila-Sila (alam natin kung sino sila) lamang ang nagpapakasarap sa ating buwis.


Filed under: BLOG, PANGGA GEN Tagged: Balay Sugidanun, GENEVIEVE ASENJO, Philippine Literature

Viewing all articles
Browse latest Browse all 66

Trending Articles